Kung iisipin mo, mabilis lang ang xmas vacation pero parang ang tagal tagal ko ng nakahilata at nagpapaka buhay tamad dito sa bahay. Malapit na naman ang pasukan, at sigurado akong wala na namang humpay ang pag bi busy-busyhan ko. Makakalimutan ko na naman ang salitang “pahinga”… Hindi na nawala ang ubo’t sipon ko, hindi ko alam kung bakit. Humahapdi na ang ilong ko sa kakasinga. Tingnan mo! Sa sobrang walang magawa, pati ito na kwento ko na. Maglinis daw ako ng kwarto ko sabi ng nanay ko. Tinatamad talaga ako! Gusto ko nang pumasok…..
Napapadalas na naman ang pagpupuyat ko, pati pagnood ng tv naging gawain ko na din. Hindi naman ako ganito dati…Napansin ko lang, iyakin ako ngayon sa mga drama. Hindi naman ako ganoon dati e. Tumatanda na ata ako, hala… kagaya na ko ni mommy!!
Matanda na si mommy.. lalo naman si lola! Makakalimutin, iritable at unti-unti ng nagiiba ang ugali nila. Pareho silang nagkakainisan dahil pareho silang nakakairita pakinggan. Natatakot akong tumanda.. ayoko pa! Pero lahat naman tayo dadating sa ganon. Dadating ang panahon at kukutyain din ako ng mga bata dahil sa katandaan ko. Hindi na ko siguro makakapag puyat non katulad ng ginagawa ko ngayon. Lagi na siguro akong nagrereklamo dahil sa sunod-sunod na pananakit ng iba’t-ibang parte ng katawan ko. Kailangan ko ng alagaan ng husto ang kalusugan ko dahil sa simpleng dahilan na… Tumatanda na ko.
Ano naman kaya ang itsura ko pagtanda ko? Kulubot na ang balat, puti ang buhok at nakakuba? Naku wag naman sana! Masungit daw ako pagtanda ko sabi ng nanay ko… Ahahaha! Hala… hindi na ko magugustuhan ng mga bata niyan. Wala na din akong pakinabang niyan pag umuugod-ugod na ko. Sabi nila, tinatapon daw ang mga matatanda sa amerika. Yun ung sabi sa akin nung bata pa ako, totoo kaya? Naisip ko… kawawa naman sila.
Matagal ding nakinabang ang lipunan sa kanila, may ibang nagbibo-bibuhan at iba namang… wala lang. Tapos ganoon nalang ba pagtanda nila? Pagtatawanan, kaiinisan dahil sa babagal-bagal at ano? Itatapon kung saan puwedeng may mag-alaga sa kanila.. Ang saklap hindi ba? Naalala ko tuloy yung kamamatay kong lola. Pinagpapasa-pasahan siya ng mga anak niya nung nabubuhay pa siya dahil wala daw silang panahon mag-alaga. Walang panahon pero ang totoo ayaw lang nila. Kami nalang ang nag-alaga dahil malaki ang utang na loob ng tatay ko sa kanya. Siya daw kasi ang nagpalaki at nag-aruga sa tatay ko nung bata pa siya. Minsan nakikita ko nalang siyang nakaupo sa isang sulok at… wala! Nakatunganga, tahimik at alam kong nakakalungkot ang ganoong buhay. Bumalik na siya sa pagkabata kaya hindi maiiwasang naguulianin na siya. Sa amin namatay si lola, ay hindi pala… sa akin pala! Oo, kayakap ko siya nang siya ay nalagutan ng hininga.. Ayoko ng ikuwento pa, nakakalungkot lang at magulo ang istorya.
Naisip ko…gugustuhin ko nalang sigurong mamatay ng medyo bata-bata pa kaysa naman pagpasa-pasahan ako ng karamihan. Ayaw kong magtagal dito sa mundo na walang pakinabang. Oo! Walang pakinabang.. Ganoon naman ang tingin nila sa mga matatanda, walang silbi. Pero hindi ata nila naisip na papunta palang tayo… sila matagal ng nakabalik.
Nakadanas na sila ng sangkatutak na paghihirap at tagumpay, mas marami na din ang experience nila kaysa sa mga taong nasa kasalukuyan. Minsan nga pag nakikipagusap ako sa matanda, natutuwa ako kasi andami niyang alam. Hindi ko alam kung totoo lahat ng iyon pero bilib ako sa mga pinagdaanan niya. Matanda na pero malakas pa din. Wala ng silbi ang kanyang kalakasan dahil hindi naman siya pinapansin ng lipunan. Mabibilib ka lang siguro dahil parang bata-bata pa ang kanyang kalakasan.
Hindi naman siguro importanteng maging sikat, bayani, pinaka mayaman o pinaka crush ng bayan ka noong ika’y bata-bata pa. Ang importante ay kung nabuhay ka sa kung anong klaseng buhay ang gusto mo.
Paano kaya ang mga tumandang walang asawa? Kawawa naman ano… Walang kalinga sa pagdaon ng katandaan. Naghihintay na lamang sila ng mga kamag-anak na may pusong mag-aalaga sa kanila.. Kawawa.. yun lang talaga ang masasabi ko..
Sana lang hindi ako malasin pagtanda ko, yung bang… hindi ako pagpapasa-pasahan. Ayoko non! At sino naman kaya ang may gusto? Nakakalungkot pero hindi ko naman alam ang mangyayari pagdating ng panahon na iyon…Basta sana lang pagtanda ko….
Huwag sana ako maging kawawa sa paningin niyo….