Monday, April 11, 2005

Inang Bayan

Mag-iisang buwan na ko dito sa amerika, pinoy... oo madami dito. Merong nagtapos ng pag-aaral, merong bakasyunista, merong dito na tumanda.. at meron naman hindi na marunong makipag usap ng tagalog. Kababayan, ka-bansa.. iisa pero hiwalay na ang paniniwala at pananaw para sa Pilipinas. Hindi ko sila masisi dahil malaki naman talaga ang kaibahan dito at dyan. Karamihan ayaw ng bumalik sa pinas, bakit kamo? "Mas maganda dito! wala kang mapapala sa Pinas!" yun ang sabi nila. Totoo hindi ba? O talagang wala na silang natitirang pag-asa para dyan?
Kasama sa kurso ko ang pagyakap sa inang bayan. Puta man ang ina mo, balasubas, madumi, bayaran... wala nang pupuri at magmamahal dito kundi tayong mga pilipino. Sino ba ang nagdumi at nagbugaw sa kanya? Hindi ba tayo din? Sukang-suka ka man sa bayan, hindi puwede talikuran mo na lang ito na parang.......... "wala lang..."
Hindi mo siguro namamalayan na naaapakan na ng husto ang Pilipinas.
Hindi nga ba?

Thursday, April 07, 2005

Sementeryo

Mahirap, mayaman…

May kaya, milyonaryo…

Pulubi, bilyonaryo…

Sabi ng pari, “pantay pantay nang pinanganak ang lahat ng tao at pantay pantay din itong mamamatay..”

Pumunta kami sa sementeryo kahapon. Sumakay kami ng taxi dahil masyadong malayo ito kung lalakarin mo. “I don’t get why tombs differ from each other by its size.. Some are tall while some are flat.” It’s much better if all of them are flat, just flat. It won’t matter right?” Yun ang sabi ng taxi driver sa amin. Natawa tuloy kami sa kanya, “oo nga noh..” Nagawa niya pang bigyan kami ng palaisipan sa kalagitnaan ng napakainit at napakahabang traffic sa Washington DC.

May mataas, may maganda ang kulay at marmol, may madumi, may maliit, may patag, may tumbok… Iba’t-ibang puntod sa sementeryo. Ang mayaman, siguradong maganda ang puntod at para sa mga mahihirap… patag, basta may pangalan ayos na. May epekto ba iyon sa namatay kung maganda o simple ang kanyang puntod? Pupunta ka ba sa langit pag may bubong ang puntod mo? E paano ang mga puntod na nasira at minsan wala pang pangalan… San kaya sila pupulutin?

Pare-pareho lang naman ang lugar na hinihigaan nila, madumi sa ilalim. Putik, lupa… tapos maaagnas pagdaon ng panahon. Pero binabawi na lang sa itsura ng puntod ng kanilang titirahan. Pag namatay ka siguro, magagawa mo pa kayang mainggit sa katabi mong puntod dahil sa kanya may tumbok sayo ni-pangalan wala. (ahahahahahaha)

Sobra na ata ang pagitan ng mahirap sa mga mayayaman at pati sa kabaong at puntod sinusukat pa din ang karangyaan. Hindi ko alam kung ano ang gusto palabasin ng mga gumagawa ng mga kabaong na may kung ano-ano pang burloloy sa loob. Nahihibang ata ang mga taong bumibili nito para sa patay. Kasama ba ito sa sinasabing “pagbigay galang o pagpugay” sa namatay?? E paano kung sa plywood lang nakalagay ang mahal mo sa buhay na namatay? Ano tawag sayo, bastos? Hindi siguro……..

Mahirap.

Friday, April 01, 2005

Impluwensya

Impluwensya, naranasan mo na ba ito? Ang ma-impluwensyahan ng tao, ng lugar, ng mga kasabihan, relihiyon o di kaya’y larawan na nakita mo sa tabi-tabi. Ang ma-impluwesyahan sa kasamaan o sa kabutihan, oo naranasan ko na…. maraming beses na. E ang mang-impluwensya? (e ano pa nga ba……..)

Sabi nila, kung sino daw ang mga kaibigan mo, kung ano ang paniniwala ng relihiyon mo, kung ano ang eskwela na pinapasukan mo… ganon ka din daw. Tama ba? Labing-siyam na taong gulang palang ako, batang edad pero masasabi kong, maraming beses na kong naimpluwesyahan at madami na din akong naimpluwensyahan. Nakakatuwa? Puwede, pero minsan, hindi rin…….

August 2004 nang nagsimula akong magsulat ng artikulo o pagbo-blog. Dito ko nalalabas ang mga nararamdaman ko sa bagay-bagay. Hindi ko man lang namamalayan na hanggang ngayon may nagsisimulang magsulat ng mga artikulo dahil sa impluwensya ko. Yabang ba? E ang mga “expressions” ko na kung saan-saan na nakakadating. Hindi ko alam kung bakit pero nakakatawa pag naiisip ko. Ang mga paniniwala ko sa mga bagay-bagay, hindi ko alam kung may na-impluwensya na ba ako pero madalas may nakikinig.

Meron akong isang kaibigan, nakilala ko siya nung pumasok ako sa kolehiyo. Mabaet, mahiyain at….mabait. Sa tatlong taon na pagsasama namin, andami na niya atang natutunan sa akin. Kabutihan at syempre kalokohan. Ang mga alagad ko nadadagdagan na naman. Masama ba?

Sabi nila, may “choice” ka naman daw kung magpapa impluwensya ka sa isang tao, relihiyon o sa ibang bagay. Depende iyon sayo kung papayag ka o hindi. Pero minsan hindi mo namamalayan nahahaluan ka na pala ng pagiisip, pag-galaw at paniniwala ng ibang tao. Nakakalito minsan, oo seryoso…

Ang impluwensya ng relihiyon ata ang pinaka mahina para sa akin. Roman Catholic ako pero hindi lahat ng ginagawa ng isang katoliko ay ginagawa ko. Mahabang usapan pero yun na yun. Nagkokomyunion ako kahit hindi nagkukumpisal, hindi din ako mahilig sumamba sa mga santo. Lagi kami nagkakatalo ng nanay ko tungkol diyan dahil hindi daw niya maintindihan kung ano talaga ang paniniwala ko. Hindi din kasi ako nakikisali sa mga tradisyunal tuwing “holy week”. Basta! Naniniwala ako sa Kanya… sa Kanya lang wala ng iba pa. At wala na akong ibang kailangan pang paniwalaan. (Ay teka…. Para wala ng away, wala na lang paki-alamanan.)


Dati, hindi ko hilig ang mag-basa. Ay jusko!! Nakakatamad naman kasi pero pagtapak ko ng kolehiyo, unti-unti na kong nagbubuklat ng libro at nagbabasa. Kahit mga maiikling kasabihan sa dingding, sa bus o di –kaya’y sa pintuan… hala sige basa! Sabi nila, hindi daw kasi puwede na hindi ka magbasa sa kurso ko. Pero para sa akin, naimpluwensyahan ako ng mga kaklase ko. Kung magbabasa sila, edi sige, magbabasa din ako…..

Ang maimpluwensyahan ako ng mga tao sa paligid ko. Kabutihan man o kalokohan, wala ng dapat sisihin pero pumayag naman akong maimpluwensyahan. Ang impluwensya sa akin ng mga sikat na tao. Ang mga pinoy, amerikano, instik, bakla, tomboy, adik, tomador, maka-diyos, baduy, korny, cool o ano pa man. Sila ang mga taong walang sawang naghahalo ng paniniwala sa paniniwala ko. Ako na ata ang isa sa mga taong madalas maimpluwensyahan. Mahina ata ako pero ginusto ko din naman. Dahil dito, ang mga pagkakamaling natutunan ko ay dumadami pero nagpapalakas sa napakahina kong kalooban.

Magsimba, maging maka-diyos, mag-aral, mag-cut ng klase, uminom, magyosi, magdroga, magkagusto sa kaparehong kasarian, magmura, maging barumbado, maging konserbatibo, liberal, maging bastos o maging strikto… Impluwensya, sasakay ka ba?

Isipin mo, baka hindi mo namamalayan………

Iba ka na pala.