Saturday, February 25, 2006

Magyabang Ka Hangga’t Gusto Mo!!

Anong masarap gawin para sayo? Matulog, kumain, manuod ng tv, humilata, makipag-inuman, magyosi, magbasa ng libro, maligo, makipag-kwentuhan, o makipag-lampungan? Hindi ba sumagi sa isip mo na masarap din makipag-yabangan?

Yun bang nagkasama-sama kayo ng mga kaibigan mo tapos may bagong balita tungkol sayo na puwedeng-puwede mo ipagyabang.. Pero siguraduhin mong may katuturan para hindi ka matabla ng mga kasama mo. Na kulang na lang e, ipaskil mo sa noo mo na: “MAY IPAGYAYABANG AKO!” yehey..

Ansarap magyabang lalo na kung pinag-hirapan mo talaga tapos kahit anong sabihin nila, paniwalang-paniwala ka sa sarili mo na umangat ka kahit papano. Hwag mo akong masamain pero totoo naman diba? Kung wala kang yabang, korny ka na masyado! Magisip-isip ka na dahil anong petsa na, wala pa ding bago. (Wag mo lang sobrahan ang yabang mo, utang na loob.)

Bago… Bagong napuntahang lugar, bagong napag-aralan, bagong trabaho, bagong nasulat na kanta/tula/artikulo, bagong naipundar.. sa madaling salita, bagong naabot! Kuha mo na?

(Hindi ko na sinama yung mga bagong bagay na walang kakwenta-kwenta.)

Ganito na lang, naranasan mo na ba na may graded recitation sa klase, tapos may tanong ang masungit na hindi naman kagandahan/kagwapuhan mong titser tapos… NASAGOT MO!!! (Lakasssssss) tapos sabay hiyaw ng mga kaklase mo dahil ikaw lang ang may-alam ng sagot. Ansarap magyabang at isampal sa mga kaklase mong matatalino at mahilig magdamot ng sagot na matalino ka at bobo sila sa mga panahon na iyon! Bwahahaha! O kaya, nakapasa ka sa exam na hirap na hirap ang iba sagutan. HANEP! Painom ka naman!

O diba, mga bagay na ganyan, sige lang at ipagyabang mo! Wala naman masama. Mga naabot na walang makaka-angkin na sinoman. Sayo lang, puwede din nilang maabot pero walang makakapantay ng pakiramdam na naramdaman mo sa mga oras na iyon.

Kung ikaw ang taong walang napagyayabang sa kahit anong kwentuhan, matulog ka na lang.

Ikaw ba ang taong o may kilala ka bang taong marami nang mapagyayabang o sabihin na nating, mataas-taas na ang naabot? Na pakiramdam mo, kahit anong gawin mo, lamang pa din siya ng isang paligo sayo. Naalala ko yung propesor ko noong kolehiyo. Sobrang nakakatakot magturo. Yung tipong, hindi ka puwede magpakita sa kanya kung wala kang alam sa subjek niya. Hindi mo siya puwede sumbatan dahil kahit anong pakikipagtalo, hindi ka talaga mananalo sa kanya. Galing! Sabi nga ng kaklase ko, may karapatan magtaray at manakot ang propesor naming iyon dahil talagang madami na siyang naabot sa buhay. Naabot na puwede ko, mo ding maabot.

Sabi ko nga sa sarili ko, pagnagkita kami ulit ng propesor kong iyon, dapat may ipagyayabang na ko. Para hindi niya isipin na nagtapos lang ako sa pag-aaral tapos wala lang. Dapat pag tinanong niya ako kung ano ang pinagkaka-abalahan ko, dapat may ma-isasagot ako na may katuturan. Ahahahaha!

E, ikaw?

Saturday, February 04, 2006

Makuha Ka sa Tingin

Siguro naman nabalitaan niyo na ang nangyaring trahedya sa Ultra kaninang umaga. Stampede na pumatay ng maraming tao, teka… pumatay ng maraming matatandang babae pala. Nakakagulat, hindi natin akalain na aabot sa ganito kagrabe ang problema ng kahirapan sa bansa. Na may mga matatandang gusto pang makipagsapalaran sa mga matataong lugar at makipaglabanan sa siksikan, sa init at sa gutom para lang sa magandang kapalaran na wala namang kasiguraduhan. Ultimo mga sanggol dinala pa baka sakaling swerte hindi ba?

Hindi ko alam kung ano ang gusto palabasin ng kapalaran kung bakit ganito kalala ang pangyayari kanina. “God works in mysterious ways” ika nga. Ano kaya ang gusto palabasin sa atin ng Diyos? Sabi nga ni Sharon Cuneta, “ilang wake up calls pa ba ang kailangan natin?” TAMA! Naisip at natanong mo din ba yun sa sarili mo? Kung gaano kasaya ang pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa boxing, ganoon din kalungkot ang pagkamatay ng mga tao sa stampede. Pero ano-pa-man, naging saksi ang media sa pakikiramay ng mga nakararami sa mga naagrabyado. Maniwala man kayo o hindi, nabubuklod lang daw ulit ang isang watak-watak na pamilya pag may sumulpot na malaking problema/trahedya sa kanila. Nakakalungkot isipin pero ito na nga ang epekto ng realidad na ating ginagalawan.

Ngayon, naniniwala na ko na kung gaano kabigat o kagrabe ang problema/trahedya na nakatapat sayo.. ganoon din kagrabe ang kamalian na kailangan baguhin sa buhay mo. Teka, naiintindihan mo ba? Ahahahaha. Ganito na lang, halimbawa na nga lang na sobrang lala na ang away ng inyong pamilya yung tipong halos hindi na kayo mapagsama-sama kahit ano pang pagtitipon-tipon ang gawin niyo.. nang biglang namatay ang isa sa kapamilya niyo. At dahil dito, nanaig ang pagiging magkakadugo ninyo at nagkabuklod-buklod na kayo ulit…O kaya, dahil sa napakatamad mong estudyante na wala ka na atang balak magtapos ng pag-aaral. Tapos sa sobrang konsumisyon sayo ng tatay mo dahil hindi ka na makuha sa ano pang pagalit o pagtatampo, bigla siyang naatake sa puso. At dahil don, natauhan ka at minabuti mo nang tapusin ang pag-aaral mo.

Kuha mo na?

Kung sa eskwelahan pa, kung hindi ka makuwa sa tingin ng titser mo dahil sa kaingayan at pagbubulabog mo... mapipilitan siyang palabasin ka sa room ninyo. Ganoon din siguro ang Diyos sa aking paniniwala. Na kung hindi ako/ikaw/tayo makuha sa isang simpleng hudyat ng Diyos na kailangan nating ituwid ang ating pagkakamaling nagawa sa buhay, mapipilitan siyang gumawa ng paraan na lalo tayong masasaktan/mahihirapan para lang maging malinaw sa atin na wala na sa tamang direksyon ang ating napupuntahan. Nasasayo na lang siguro iyon kung paano mo iintindihin ang mga pahiwatig Niya sa iyo.

Mabalik tayo sa nangyari na stampede sa Ultra… Maghihintay pa kaya tayo na mangyari sa atin o sa mga kababayan natin ang mas-malalang trahedya? At para sa kanya-kanyang buhay, maghihintay ka pa bang may mangyaring trahedya sa buhay mo bago ka mamumulat sa katotohanan na mali na ang landas na dinadaanan mo?