Friday, April 01, 2005

Impluwensya

Impluwensya, naranasan mo na ba ito? Ang ma-impluwensyahan ng tao, ng lugar, ng mga kasabihan, relihiyon o di kaya’y larawan na nakita mo sa tabi-tabi. Ang ma-impluwesyahan sa kasamaan o sa kabutihan, oo naranasan ko na…. maraming beses na. E ang mang-impluwensya? (e ano pa nga ba……..)

Sabi nila, kung sino daw ang mga kaibigan mo, kung ano ang paniniwala ng relihiyon mo, kung ano ang eskwela na pinapasukan mo… ganon ka din daw. Tama ba? Labing-siyam na taong gulang palang ako, batang edad pero masasabi kong, maraming beses na kong naimpluwesyahan at madami na din akong naimpluwensyahan. Nakakatuwa? Puwede, pero minsan, hindi rin…….

August 2004 nang nagsimula akong magsulat ng artikulo o pagbo-blog. Dito ko nalalabas ang mga nararamdaman ko sa bagay-bagay. Hindi ko man lang namamalayan na hanggang ngayon may nagsisimulang magsulat ng mga artikulo dahil sa impluwensya ko. Yabang ba? E ang mga “expressions” ko na kung saan-saan na nakakadating. Hindi ko alam kung bakit pero nakakatawa pag naiisip ko. Ang mga paniniwala ko sa mga bagay-bagay, hindi ko alam kung may na-impluwensya na ba ako pero madalas may nakikinig.

Meron akong isang kaibigan, nakilala ko siya nung pumasok ako sa kolehiyo. Mabaet, mahiyain at….mabait. Sa tatlong taon na pagsasama namin, andami na niya atang natutunan sa akin. Kabutihan at syempre kalokohan. Ang mga alagad ko nadadagdagan na naman. Masama ba?

Sabi nila, may “choice” ka naman daw kung magpapa impluwensya ka sa isang tao, relihiyon o sa ibang bagay. Depende iyon sayo kung papayag ka o hindi. Pero minsan hindi mo namamalayan nahahaluan ka na pala ng pagiisip, pag-galaw at paniniwala ng ibang tao. Nakakalito minsan, oo seryoso…

Ang impluwensya ng relihiyon ata ang pinaka mahina para sa akin. Roman Catholic ako pero hindi lahat ng ginagawa ng isang katoliko ay ginagawa ko. Mahabang usapan pero yun na yun. Nagkokomyunion ako kahit hindi nagkukumpisal, hindi din ako mahilig sumamba sa mga santo. Lagi kami nagkakatalo ng nanay ko tungkol diyan dahil hindi daw niya maintindihan kung ano talaga ang paniniwala ko. Hindi din kasi ako nakikisali sa mga tradisyunal tuwing “holy week”. Basta! Naniniwala ako sa Kanya… sa Kanya lang wala ng iba pa. At wala na akong ibang kailangan pang paniwalaan. (Ay teka…. Para wala ng away, wala na lang paki-alamanan.)


Dati, hindi ko hilig ang mag-basa. Ay jusko!! Nakakatamad naman kasi pero pagtapak ko ng kolehiyo, unti-unti na kong nagbubuklat ng libro at nagbabasa. Kahit mga maiikling kasabihan sa dingding, sa bus o di –kaya’y sa pintuan… hala sige basa! Sabi nila, hindi daw kasi puwede na hindi ka magbasa sa kurso ko. Pero para sa akin, naimpluwensyahan ako ng mga kaklase ko. Kung magbabasa sila, edi sige, magbabasa din ako…..

Ang maimpluwensyahan ako ng mga tao sa paligid ko. Kabutihan man o kalokohan, wala ng dapat sisihin pero pumayag naman akong maimpluwensyahan. Ang impluwensya sa akin ng mga sikat na tao. Ang mga pinoy, amerikano, instik, bakla, tomboy, adik, tomador, maka-diyos, baduy, korny, cool o ano pa man. Sila ang mga taong walang sawang naghahalo ng paniniwala sa paniniwala ko. Ako na ata ang isa sa mga taong madalas maimpluwensyahan. Mahina ata ako pero ginusto ko din naman. Dahil dito, ang mga pagkakamaling natutunan ko ay dumadami pero nagpapalakas sa napakahina kong kalooban.

Magsimba, maging maka-diyos, mag-aral, mag-cut ng klase, uminom, magyosi, magdroga, magkagusto sa kaparehong kasarian, magmura, maging barumbado, maging konserbatibo, liberal, maging bastos o maging strikto… Impluwensya, sasakay ka ba?

Isipin mo, baka hindi mo namamalayan………

Iba ka na pala.

No comments:

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...