Monday, November 13, 2006

Santa Claus sa Homeboy


42 days na lang at selebrasyon na, handaan, pasko na naman. Ambilis nang magdilim ngayon at lumalamig na ang simoy ng hangin pag gabi. Wala pa namang nangangaroling sa labas ng bahay pero may nakikita na akong mga Christmas lights na nakasabit sa labas ng bahay. May dambuhalang Christmas tree na nga pala sa town center, na para sa akin, hindi ito nakakatuwa pagmasdan. Nung bata pa lang ako, simpleng Barbie doll lang ang hinihingi ko masaya na ko. Pwede na rin ang luto-lutuan para kumpleto na ang pagdidiwang. Pero ngayon, hindi na ganon ka babaw ang hangad ko sa kapaskuhan. Iba na.

Kung talagang totoo si Santa Claus at, sana mainterview siya sa Homeboy o Sharon at itanong sakanya kung regalong pambata lang ba ang kaya niyang ibigay. O kung pati ba regalong pang matatanda pwede niyang i-itsa sa labas ng bahay niyo sa pasko. Sana din magbigay ng pabahay showcase o kumikitang pangkabuhayan si Santa Claus para di lang mga bata ang tatangkilik sa kanya. Baka pati si Boy Abunda yakapin siya sa tuwa.

Kakayanin kaya ng powers ni Santa ang magbigay ng boyfriend/girlfriend sa mga taong walang love life? Sana pwede.

O baka naman, kaya nga niya magbigay ng mga ganong kabigat na kahilingan pero sa isang kondisyon… Ikaw ang kukuha sa bahay niya. Minsan wala pang tao sa bahay nila dahil nga lumalakbay ang team Santa sa buong mundo para mag mall tour at guestings sa mga talk show. Pag sumwerte ka, andon nga si Santa sa bahay nila pero hindi mo pa rin maaring makuha ang regalo dahil napuyat si Santa at tatlong araw nang tulog. Wag na lang diba.

Sa panahong ngayon, kung ikaw yung tipong tao na hindi naniniwala kay Santa, malamang kanino ka pa hihiling ng regalong pampasko kundi sa magulang, mahal sa buhay o kanino pa? Edi sa Diyos. Rinding-rindi na siguro siya sa sankaterbang hiling ng mga tao na ultimo lucky number na pantaya sa lotto hiningi na sa Kanya.

Ako, sa totoo lang, hindi ko kailangan talaga ng materyal na bagay para matuwa ako sa pasko. Hindi ko naman talaga gusto ang pasko dahil malungkot na araw ito para sa akin. Sana lang, magkaroon na ako ng “contentment” sa buhay ko kahit sa napa kasimpleng takbo nito. Sana din, magkaroon na ng “contentment” sa buhay ang mga magulang ko kahit sa napaka kumplikadong takbo nito. Sana sa dadating na pasko, masabi ko man lang sa sarili ko na masaya ako.

Teka, mabalik nga tayo kay Santa. O sige, pwede kong kunin mismo sa bahay nila yung regalong hinihiling ko. Iwawaldas ko ang pera ko makuha ko lang yon. Pero kaya niya kaya ibigay ang napaka gaan pero mukhang mabigat kong hiling na world peace?






No comments:

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...