Friday, September 30, 2005

TAMA?

Naiinis ako, lagi na lang itlog ulam ko sa umaga. Ahahahaha tapos hindi pa maayos yung pagkaluto. Ano ba yan! Naiinis din ako kasi hindi ko alam kung GLOBE o SUN ang gagamitin kung simcard nang pangmatagalan. Naiirita din ako sa boses ng katulong namin. Nabibwiset din ako kasi ang bagal bagal ng dial up ko dito sa bahay. Haaaay buhay.. Minsan ang sarap mamroblema, na kahit simpleng bagay lang ay pinagtutuunan ko pa nang pansin para problemahin.

Pero, eto… seryoso.

Namomroblema ako kung paano ko pagkakasya-kasyahin ang pera ko dahil wala na naman akong allowance. Hindi na ko natutuwa sa buhay tambay. Hindi ko na alam kung kailan ako makakahanap ng trabahong para sakin talaga. Iniisip ko palang, napapakunot na ko ng nuo lalo na pag tungkol sa pangmatagalang kabuhayan na ang pinag-uusapan. Dagdagan mo pa ng mga obligasyon na matagal-tagal ko nang nasimulan.

Minsan nga, ang sarap talaga idaan na lang sa inom ang lahat. Tapos may hihirit na, “alam niyo, patagal ng patagal… nagiging seryoso na talaga ang mga problemang dumadating sa atin… na mahihirapan kang lutasin.”

(Oo, tama ka don! Inom pa tayo diyan……..)

E paano pa kaya ang mga problema ng mga magulang natin noh?

Sana, parang mathematical equation na lang lahat ng problema para pag alam mo ang ang formula, alam mo na agad ang sagot. O kaya, sana nadadaan na lang sa ngiti lahat para lahat tayo masaya. Pero hindi e… nakakainis noh? Ahahahaha

Hindi nga talaga patas ang laban ng buhay. Kahit anong gawin mo, may problema’t problema pa din. Sabi nila simple lang daw ang buhay pero pag inisip mo nang pangmatagalan, kumplikado din pala ano? Pero, gaya nga ng sinasabi sa komersyal… BILOG ANG MUNDO! Pagkatapos ng problema, may tagumpay din naman sa huli. Tapos problema ulit. Patay tayo diyan!

Alam niyo, matagal ko nang naisip ito e. Pagbigyan niyo na lang ako. Na… pag walang kasawian, paghihirap o kabiguan.. hindi natin malalasap ang sarap ng tagumpay. Kapag walang problema at lahat nadadaan na lang sa ngiti, hindi kailanman magkakaroon nang pagkakataong magsikap at pagtatiyaga.

Tama?

Sunday, September 18, 2005

aLapaap

Araw ng linggo ngaun, naisip ko... baka sakaling mapagod ang mga tao mamroblema at mamahinga naman kahit saglit. Mamahinga sa napakagulong mundo na nakabalot sa atin. Kahit anong gawin ko, balisa pa din. Hanggang maisipan kong humiga ng ilang minuto. Wow! Ang sarap. Parang gusto ko nang matulog dahil iyon lang naman ang panahong tahimik at walang akong iniisip. Matagal tagal na ata nang maramdaman ko ang ganito. O sabihin na nating, hindi pa din ito ang hinahanap ko. Nakakapraning, baka hanggang sa panaginip ko… ang kaguluhan sa bahay, sa pagibig, sa pamilya, sa pera at kung saan-saan ang makita ko.

Kasabay ng aking pagmumuni-muni, bigla ko nang naisip ilang linggo ko na nga palang nararanasan ang buhay tambay at palamunin. Tapos na ang paghihirap sa eskwela at paghihirap na sa paghahanap ng trabaho ang kailangan kong atupagin. Ang walang kamatayang pag jo-job hunting sa internet at sa lupalop ng metro manila. Iniisip ko nga lang, nakakapagod na. Labo-labo din ang plano ko kung saan ako pupunta o anong gagawin ko kinabukasan o bukas makalawa. At ang allowance? Naku! Wag na nating pag-usapan.

At kung sakaling magkatrabaho kaagad, paano ko kaya sisimulan pagkasya-kasyahin ang pera ko sa pang-araw araw at dagdag na dito ang luho at tulong ko sa bahay. Paano ko naman kaya pagsasabayin ang obligasyon at responsibilidad ko na aking nasimulan? Pwede na kayong magtaka kung saan ko nahuhugot ang mga problemang kinakaharap ko sa kasalukuyan. Uulitin ko…. ang kaguluhan sa bahay, sa pagibig, sa pamilya, sa pera at kung saan-saan . Pero huwag niyo nang isipin. Isipin niyo na lang ang init ng ulo ko. Hindi ko din alam kung saan ako huhugot ng lakas at pag-aasa sa mga bagay na gumugulo sa akin. Pakiramdam ko, nang nagpasabog ang Diyos ng problema, nasalo ko lahat sa araw na ito.

Hindi pa din ata panahon na maranasan ko ang matagal ko nang gustong balikan at maranasan...

Ang alapaap.

Tuesday, September 06, 2005

Teleserye ng Totoong Buhay vs. Balitang Hindi Natutulog

Matagal tagal ko na ding binabale-wala ang national news. Hindi sa wala na akong oras o wala akong pake-alam. Nag-sasawa na lang siguro ako lalo na sa isyung impeachment para kay Gloria. Ang Gaza Withdrawal o ang Hurricane Katrina na lang ang binibigyan ko ng pansin at pinaguubusan ng oras para mabago naman. Minsan, minabuti ko na lang manuod ng tsismis kaysa sa balitang nakakasakit ng ulo. Ayoko na din makipag debate sa mga tao tungkol sa kaguluhan na hinaharap ng ating gobyerno. Natigil na din ang politika kahit sa panaginip ko. Sa wakas…

Nabawasan na ang mga problemang hindi ko dapat problemahin. Mas masarap pala manuod ng lumilipad na babae sa ere na naka bra at panty kaysa sa nagdedebateng grupo sa kamara. Mas masarap pala abangan ang kubang maraming manliligaw kaysa sa mga kongresmang nagbabatuhan ng mga papel. Di hamak naman na mas kapapana-panabik subaybayan ang mga housemates sa teleserye ng totoong buhay kaysa sa balitang hindi natutulog. Sa madaing salita, masaya pa lang magmaang-mangan na lamang sa mga pangyayari sa politika at manuod na lang ng mga walang kawenta-kwentang palabas.

Wala na akong pake-alam sa kanila. Bahala na sila kung mag-away away sila diyan araw araw. Basta ako, ayoko na pag-usapan ang politika. Mas importante na sa akin kung sino ang matatanggal kina Rico, Raqcuel at Franzen kaysa kung magtatagal pa ba si Gloria sa kapangyarihan.

Pero teka.. bakit nga ba naging pangunahing nang trabaho ng oposisyon simula ng panahon ni Erap ay ang pabagsakin ang pangulo?

Friday, September 02, 2005

"Pengeng Barya"

Ako ay isang estudyante ng isang eskwelahan sa Taft Avenue, Manila. Mausok, mapolusyon, maingay, madaming snatcher, madaming bagets, at syempre… hindi pwedeng mawala ang mga pulubi at taong grasa. Kung mabibilang lang ang mga batang pulubi na pumapalibot sa Taft Avenue, hindi na siguro ako magugulat kung sandamakmak ang resulta ng bilangan. Marami sila… seryoso.

Hindi din ligtas sa pagsasamantala ng mga malilibog na pasaway ang mga babaeng palaboy doon. Nakaka-awa sila, magugulat ka na lang na ang babaeng payat na namamalimos sa iyo ara-araw ay lobo na ang tyan kinabukasan. Buntis pala, na-rape ng lasenggero sa may kanto. Hindi rin maitatago ang pagkalulon sa pagsinghot ng rugby. Ano pa nga ba ang solusyon sa mahaba-habang tag-gutom? Rugby lang, mura pa at binebenta lang kung saan-saan. Masyadong “kasual-an” ang buhay ng mga batang palaboy/pulubi sa Taft. Kung baguhan ka lang sa lugar na iyon, sigurado akong malaking gulat ang mararanasan mo. Minsan nga, hinabol pa ng isang bata na may dalang dos-por-dos ang kaibigan ko. Ang dahilan? Ayaw kasi bigyan ng barya ang bata kaya ayun… NAG-AMOK! Uso din naman ang sindikato doon. Sabi ng iba, isang van daw ang nagdadala sa Taft ng mga batang pulubi. Hindi ko pa naman nasasaksihan pero wala din naman akong magagawa. Kung sino man ang magulang ng mga batang iyon, siya na lang sana ang namamalimos buong araw.

Patagal ng patagal, padami pa din ng padami ang mga batang pulubi saTaft. Matatawa ka na nga minsan sa estilo ng mga batang namamalimos. May isang beses, mag-isa akong nakatayo sa Chowking at may lumapit sa akin. Kumanta, kumanta.. sa hinaba-haba ng kanta niya.. isa lang naman ang pakay niya sa akin. Ag baryang ibibigay ko. Pasensya na pero hindi ako namimigay ng barya.

At pagtapos ng tatlong taon na pamamalagi sa Taft Avenue. Hindi ko na makikita ang batang kumakanta, ang batang kabarkada ng mga dragon sa Chowking, ang batang may dos-por-dos, ang batang nakatambay sa ilalim ng LRT. Ang batang may anak ding bata. At si Jenny (matandang-baby face).

Pero, kahit saan naman ako mamalagi… hindi pa din naman mawawala sa aking paningin ang mga batang nabubuhay sa barya ng lipunan.

Ang batang… namamalimos para sa buhay ng kanilang magulang.

Ang batang… barya ang kinabukasan.

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...