Friday, July 23, 2004

Serbisyong Totoo

Serbisyong Totoo

“There is nothing stronger than a heart of a volunteer" --Pearl Harbor

Dalawang taon din akong nagpupunta sa malayong lugar para magsilbi bilang isang volunteer sa mga pamilya at mga bata. Mag a-apat na taon naman akong nagsisilbing volunteer sa isang movement sa pinag tapusan ko ng high school. Pag nagkita siguro kami ni San Pedro at tinanong niya kung anong silbi ko sa mundo... “isang volunteer po” ang isasagot ko. Wala daw mas hihigit pa sa puso’t damdamin ng isang volunteer, yun ang sabi ng teacher ko. Kung iisipin mo, mahirap maging isang volunteer. Walang bayad ang serbisyo na binibigay mo sa mga tao at higit sa lahat, walang nagpipilit sayo na magbigay ng serbisyo, serbisyong totoo kung paano namin tawagin ito.

Nang ako’y elementarya pa lang, lagi may outreach sa aming eskwelahan. Nagpupunta kami sa mga lugar lugar o di kaya’y mayroong nagpupunta sa aming eskwelahan para bigyan namin ng regalo, libro at mga pagkain. Hanggang sa ako’y nag-high school, patuloy pa din ang mga outreach namin. Isa na siguro sa hindi ko makakalimutan ay ang pagdalaw namin sa Muntinlupa Bilibid Prison, kung saan nakausap namin ang mga preso. Ganun din ang pagdalaw namin sa Home for the Aged. Umiiba ang pakiramdam ko tuwing nakikita ko silang ngumingiti at tumatawa. Kaya naman, nang ako’y nag kolehiyo, tinuloy tuloy ko na. Ako ay nagsilbing volunteer sa aming eskwelahan. Titira kami sa malayong lugar ng dalawang linggo at kami ay magtuturo ng basic subjects sa mga bata. Mahirap? Mahirap talaga pero masaya. Dalawang linggong malayo sa aking pamilya’t mga kaibigan. Dalawang linggong walang fast food at cable tv. At dalawang linggong walang lakwatcha. Pero tinuloy ko pa din. Tumira ako dati sa Botolan, Zambales kung saan, mga aeta ang aming nakasama. Tumira kami sa kanya-kanyang foster family at magtuturo kami ng basic subjects sa mga batang nakatira sa kanilang siyudad. Nung una, hindi ko lubos maisip na mga aeta ang makakasama namin. Para sa mga kahapon lang pinanganak, ang aeta ang mga katutubo natin. Sila yung mga nakasuot ng bahag at bahiling. Aaminin ko, nahirapan talaga ako. Pero ibang klase ang kaligayahang naidulot sa aming grupo. Napamahal na din kami sa kanila. Iba sila sa atin dahil sa kanilang pananamit, pisikal na kaanyuan at kagawian pero ibang klase din naman sila magmahal ng kapwa. Ibang klase ang pamilya ng mga aeta. Simple pero nagmamahalan at marunong makisama sa iba. Kaya iyakan talaga kami nang kami’y pauwi na ng Manila. Nang sumunod na taon, umulit ako. Hindi na sa Zambales, sa Abra naman. Katulad ng nakaraang taon, dalawang linggo din kaming nanirahan doon. Hindi mashado mahirap dahil bayan naman ang aming tinirahan. Pero sadyang dilikado. Eleksyon nang kami ay nagpunta doon kaya naman panay ang aming ingat. Sunod-sunod kasi ang barilan sa aming lugar. Warzone daw kasi ang Abra tuwing eleksyon.

Hindi na daw ako papayagan ng aking nanay sa susunod dahil natatakot siya para sa akin. Pero kung ako ang tatanungin, ipagpapatuloy ko pa din yun. Mahirap kung iisipin pero ibang klaseng kaligayahn naman ang naidudulot nito sa akin ganun din sa aking mga natutulungan. “Mag volunteer ka nalang sa iba wag na diyan!” Yang ang pinaka huling sinabi ng aking mga magulang pagdating ko galing Abra. Patuloy pa din akong nagvovolunteer. Pero hindi na ako lumalayo. Ako ay nagsisilbi at nagbibigay serbisyo sa mga nag reretreat. Ito ay isang movement sa aming eskwelahan. Ang pinagtapusan ko ng highschool. Kami ang naghuhugas ng plato, naglilinis ng kwarto’t banyo, ang tumutulong sa pagsasagawa ng retreat. Mahirap lalo na at kami ay nagaaral pa habang may kanya-kanyang trabaho naman ang iba, nakakapagod... pero masaya.

Lumilipas ang panahon, unti-unti na ding natatanggap ng mga magulang ko ang aking ginagawa. Ang pagiging isang volunteer. Dahil alam nilang yun ang isa mga gusto kung gawin sa buhay ko. Hindi ang makaranas ng paghihirap kung hindi, ang magbigay ng serbisyo na hindi binabayaran, hindi pinipilit at bukal sa loob. Serbisyong totoo kung paano namin tawagin ito....


No comments:

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...