Tuesday, December 27, 2005

Parang Kailan Lang

Naghihintay ako ng tricycle sa may kanto nang hindi ko inaasahang makita ko si Ate Lina. Siya lang naman ang nag-alaga sa akin ng 19 na taon. Grabe no? Hindi ko akalaing matatapos din yun at makikita ko siya na may inaalagaan nang ibang tao. Hindi ko kinaya nang marinig kong tawagin siyang “yaya” ng bagets na kasama niya. Naaalala ko pa dati, ayaw ng nanay kong tawagin siyang yaya dahil ate daw dapat ang turing ko sa kanya. Hindi ko alam kung dahil pagod lang ako at ganon na lang ang lungkot na naramdaman ko sa mga minutong iyon. Sa haba ng pila sa terminal ng tricyle, ilang beses niya akong binalikan sa pwesto ko para kamustahin. Hindi mo maikakaila ang tuwa sa kanyang mga mata ng sabihin kong may trabaho na ko. “Grabe parang kailan lang…” iyon ang huli niyang sinabi sa akin. Gusto ko pa sanang ikwento sa kanya ang mga bagong nangyari sa akin simula nang umalis siya sa bahay namin. Gusto ko pa nga sana siyang yayain makipag-inuman pero mukha namang hindi na puwede.

Panahon nga naman… ka’y bilis kung lumipas. Hindi mo na mamamalayan na may mga bagay na dumaan sa buhay mo ng ganon na lamang kabilis. Isang iglap lang, nagbago na.

Parang yung kasama ko kanina, parang kailan lang… ngayon parang wala nang nangyari. Naaalala ko pa dati, sa mga panahong ganito masaya pa kami non habang naglalakad nang magkahawak ang kamay. Ngayon, hindi na. Magkasama kami pero hindi na kami magkadikit maglakad. Parang kailan lang, hinahatid niya pa ako pauwi pero ngayon mag-isa na lang akong nakapila sa terminal ng tricyle.

Parang kailan lang, at papalitan ko na naman ang kalendaryo na nakasabit sa dingding ng kwarto ko. Parang kailan lang, bente uno na ko sa susunod kong kaarawan. Hindi na daw ako teenager sabi ni mommy. (ahahaha badtrip!)
Parang kailan lang, hindi na libro ang dala ko pag-umuuwi ako kundi ang blazer kong itim na ginagamit ko sa opisina. Naaalala ko pa dati, pabigat ng pabigat ang mga libro na binibitbit ko dahil naging madalas na ang pagbabasa sa aking kurso.

Talaga nga namang “time flies” ika nga. Nakakatawa pero hindi nakakatuwa paminsan. Nakakapanghinayang pero para sa akin mas nakakalungkot………

1 comment:

NinayorBegger said...

Hay... Time flies talaga. At kapag lumilipad na siya, atsaka lang natin naa-appreciate ang mga nakalipas na oras. Mga nakalipas na sandali. Syempre regret ang abot... I just hope the time will come na di tayo magrregret sa mga nawalang parte ng ating buhay. Na iisipin natin, oo nawala nga yan. Pero may darating pang mas maganda.

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...