Tuesday, December 27, 2005

Parang Kailan Lang

Naghihintay ako ng tricycle sa may kanto nang hindi ko inaasahang makita ko si Ate Lina. Siya lang naman ang nag-alaga sa akin ng 19 na taon. Grabe no? Hindi ko akalaing matatapos din yun at makikita ko siya na may inaalagaan nang ibang tao. Hindi ko kinaya nang marinig kong tawagin siyang “yaya” ng bagets na kasama niya. Naaalala ko pa dati, ayaw ng nanay kong tawagin siyang yaya dahil ate daw dapat ang turing ko sa kanya. Hindi ko alam kung dahil pagod lang ako at ganon na lang ang lungkot na naramdaman ko sa mga minutong iyon. Sa haba ng pila sa terminal ng tricyle, ilang beses niya akong binalikan sa pwesto ko para kamustahin. Hindi mo maikakaila ang tuwa sa kanyang mga mata ng sabihin kong may trabaho na ko. “Grabe parang kailan lang…” iyon ang huli niyang sinabi sa akin. Gusto ko pa sanang ikwento sa kanya ang mga bagong nangyari sa akin simula nang umalis siya sa bahay namin. Gusto ko pa nga sana siyang yayain makipag-inuman pero mukha namang hindi na puwede.

Panahon nga naman… ka’y bilis kung lumipas. Hindi mo na mamamalayan na may mga bagay na dumaan sa buhay mo ng ganon na lamang kabilis. Isang iglap lang, nagbago na.

Parang yung kasama ko kanina, parang kailan lang… ngayon parang wala nang nangyari. Naaalala ko pa dati, sa mga panahong ganito masaya pa kami non habang naglalakad nang magkahawak ang kamay. Ngayon, hindi na. Magkasama kami pero hindi na kami magkadikit maglakad. Parang kailan lang, hinahatid niya pa ako pauwi pero ngayon mag-isa na lang akong nakapila sa terminal ng tricyle.

Parang kailan lang, at papalitan ko na naman ang kalendaryo na nakasabit sa dingding ng kwarto ko. Parang kailan lang, bente uno na ko sa susunod kong kaarawan. Hindi na daw ako teenager sabi ni mommy. (ahahaha badtrip!)
Parang kailan lang, hindi na libro ang dala ko pag-umuuwi ako kundi ang blazer kong itim na ginagamit ko sa opisina. Naaalala ko pa dati, pabigat ng pabigat ang mga libro na binibitbit ko dahil naging madalas na ang pagbabasa sa aking kurso.

Talaga nga namang “time flies” ika nga. Nakakatawa pero hindi nakakatuwa paminsan. Nakakapanghinayang pero para sa akin mas nakakalungkot………

Monday, December 19, 2005

Paano Lang... Diba?

Paano kung ang pinakagusto mong trabaho ay biglang nawala sayo. Paano kung ikaw ang tinanghal na panalo sa paligsahan na hindi mo naman pinaghirapan. Paano kung nanalo ka sa lotto pero hindi naman pala talaga. Paano kung nakulong ka pero wala ka namang kasalanan. Paano kung pinagbintangan ka sa gawaing hindi mo naman talaga ginawa. Paano kung ang pinaka-ayaw mong tao ang magliligtas sayo sa kapahamakan. Paano kung ang pinakamamahal mong tao sa matagal na panahon, bigla mong naisip iwasan dahil ayaw mo na pala. Paano kung ang pinaka-magandang babae sa pinagtatrabahuan mo, masama pala ang ugali. Paano kung nagkagusto ka sa kaibigan ng ka-relasyon mo na hindi mo sinasadya. Paano kung bigla kayong naghirap sa buhay. Paano kung biglang nawala sayo ang taong espesyal sa buhay mo. Paano kung, inagaw ng bestfriend mo yung syota mo. Paano kung biglang namatay yung nanay mo sa kalagitnaan ng iyong pagiging dependent. Paano kung hindi na pala kayo magkikita ng kaklase mo na crush na crush mo dahil umalis na pala siya ng bansa. Paano kung nahulog ang loob mo sa isangt taong, hindi mo akalaing magiging kayo. Paano kung namatay na ang girlfriend mo o boyfriend. Paano kung bigla kang naaksidente at napinsala ang isa sa bahagi ng katawan mo. Paano kung bigla kang nabulag, nabingi o nagiging pipi. Paano kung pag-uwi mo, naabutan mong nasusunog ang mala-mansyo niyong bahay. Paano kung nalaglag ang pinaka-una mong baby.


Paano kung pag-gising mo, biglang nag-iba na takbo ng mundo at ihip ng hangin. Paano kung huli na pala ang lahat tsaka ka lang nagsisi. Paano kung, wala ka nang magawa para ibalik ang dati?


Tuesday, December 06, 2005

Opisina

Hindi ko na alam gagawin ko dito sa opisina. Anlungkot lungkot. Ako ang pinaka-unang dumating sa kwarto, ako na nagbukas ng ilaw, computer at ng aircon. Kulang na lang ako na mag walis dito at magtapon ng basura para kumpleto na. Naka-sara pa ang local phones at ang local connection ng internet kaya naman minabuti ko nang umakyat sa pangatlong palapag para tanungin kung ano ang puwede kong gawin para mabuksan lahat ng koneksyon sa kwarto ng Playa Calatagan department. Pag minamalas ka nga naman, naapakan ko pa ang paa ng head ng security dito sa office. "ARAY!" ay… "sori po.. Sino po ba dito si Ms. Myrna?" "AKO!"

Ganon ba talaga pag bagong empleyado ka at sinusungitan ka ng karamihan? Pinaguusapan at sinusundan sundan ng mga mata sa paligid? Naiiyak na ko seryoso, para akong nag america mag-isa, anlapit lang ng pinagtatrabahuan ko pero parang anlayo-layo. "So near yet so far" ika nga… oo nga at may trabaho na ko sa wakas, alam naman ninyo kung gaano ko ginusto magtrabaho pero mas masaya pala talaga sa eskwelahan. Yun bang, kung kailan ko gusto umalis, at umuwi magagawa ko. Iskul bukol ba kung baga. Hindi na nga ako nakakain ng tanghalian kahapon dahil wala akong kasama at nawalan na lang talaga ako ng gana. Masyado na ba akong nagmumukhang kawawa sa mga sinasabi ko o hindi naman? Pero wag ka, bago ang suot kong polo at blazer ngayon. Dinaan na lang sa bagong damit para pampalubag loob diba?

Limang minuto bago mag 8:30 ng umaga ako dumating dito. At wala akong hinihintay na oras kundi ang mag 5:30pm para makauwi na ko sa mundo ko. Nagbaon na ko ng sandwich para naman hindi na ko maghahanap ng kasama kumain ng tanghalian, merienda at kung ano-ano pa. Naiinis ako… anim na buwan pa akong magiging ganito. Iniisip ko na kung kailan kaya ako puwede chumempo at mag reresign na ko talaga! Badtrip! Nasa harapan ko pa yung malahiganteng aircon at jusko, ikaw na ang pinaka lamigin na tao sa balat ng lupa… umiyak ka na lang. (ahahahaha)

Haaaay buhay, pag may ligaya dapat talaga magsakripisyo ka muna……

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...