Sunday, January 30, 2005

self fulfillment

Konting na lang, tapos na ko sa kolehiyo. Andami kong nagawa at masasabi kong nag-enjoy talaga ako. Masyado nga daw akong active sa mga bagay-bagay kahit hindi naman required yung ibang bagay pero sale pa din ako ng sale.

Teka, naranasan mo na bang ipagpilitan ang isang bagay sa mga magulang mo, sana payagan ka tapos pag tinanong ka kung bakit ang sagot mo ay… “wala lang..”? Ako kasi palagi. Lagi nangyayari sa akin, hindi sa walang dahilan kung bakit ako sasama sa isang activity kundi, hindi ko maipaliwanag ang dahilan.

Ikwento ko na lang ulet ang 2 beses na immersion na sinamahan ko. Tuwing summer yun! 2 linggo sa malayong lugar, makikitira sa mga hindi kakilala at makikipag sapalaran sa “wala lang..” Nagtatampo na nga sa akin ang mga kaibigan ko dahil lagi ako wala pag bakasyon. Gustong-gusto ko naman talaga kasi sumali sa mga immersions. Mahirap, oo! Pero masaya. Ibang klase ang karanasan, buti na lang pinayagan ako… Sayang nga lang at hindi na ako makakasama sa pangatlong beses, hindi na kasi puwede pero kung puwede sana… sasali pa din ako. Wala lang…….

Minsan, sumali ako sa isang UN assembly sa eskwela, hindi man iyon ang totoong UN assembly, kaba pa rin ang pakiramdam ko. Para kasing totoo. Nakikipag away, talo at kung anu-ano. Nepal dati at Japan ngayon ang mga bansa na inirepresenta ko sa MUNA (Model of United Nations Assembly). Pinagaralan ko ang tungkol sa mga bansang ito at kailangan totohanin. Masaya! Malamang, 2 beses ko din inulit e. Wala lang………

Ang pagbibu-bibuhan sa mga debate sa eskwela. Biro lang, hindi ako sumali sa ganon.

Ang pagsali sa play, pag-arte, dubbing at pagsayaw. Nakakahiya pero ayos lang. Experience, hindi ko makakalimutan yun. Kahit munting palabas pero ayos lang. Masaya naman. Wala lang……….

Minsan, nag embassy hopping kami, experience lang ulit. Sosyal pala sa Indonesian Embassy, may kape! (ahahahahaha) wala lang………

Madaming bagay na naranasan. Masaya, wala lang. Minsan kahit ibang tao hindi maintindihan ang dahilan kung bakit ka sasali sa isang aktibidad na “wala lang.” Ang pagkuha ng trabaho na hindi pangarap ng magulang mo. Maliit lang ang sweldo, pero mahal mo naman. Ang pagbigay ng tinapay kay Manang na namamalimos, ang pagtatapos sa kursong minahal mo kahit hindi ito mahal ng mga magulang mo…… Wala lang.

Maski ang pagsabi ng I love you sa mahal mo sa buhay, ang paghahanda ng surpresa sa kaibigan, ang pagpapatuloy sa hilig mo na hindi naman hilig ng ibang tao, ang pagsusulat ng blogs, ang pagbibigay ng payo sa kaibigan, ang paglilinis ng kwarto mo… Wala lang.

Mahirap ipaliwanag ang “wala lang” hindi kasi ganon kadali ipaliwanag ang pakiramdam o nadarama pagtapos mong gawin ang isang bagay. Basta ang alam ko, masaya!

Gives a joy within….

Something………

What I call……..

self fulfillment. =)





Thursday, January 27, 2005

Bakit?

Kung puwede lang sana pigilan lahat ng kamalasan na dadating sa buhay ng isang tao edi sana lahat tayo masaya. Kung puwede lang sana pigilan lahat ng hinagpis, edi sana lahat tayo masaya. Kung puwede lang pigilan lahat ng kasablayan para maabot ang tagumpay ng walang kahirap-hirap…

Pero hindi puwede e

Lagi nalang sinasabi na kailangan maranasan lahat ng iyon para matuto at mauntog sa katotohanan. Pero bakit ba hindi nalang tayo matuto ng walang nangyayaring sablay sa ating buhay?

Busy na ko masyado sa eskwela. Maaga ako pumapasok at gabi naman umuuwi. Pero, hapon talaga ang klase ko. Kinailangan kong pumasok ng maaga kahit hindi ko naman talaga gusto. Mahirap gumising ng maaga ano! Pero pinipilit kong gumising dahil sa mga pangarap ko.

Bakit may ibang hindi naman nag sasakripisyo pero naabot pa din ang pangarap? Meron din naman, ang lakas ng loob mangarap pero wala naman siyang ginagawa. Hindi sa nagbubuhat ako ng sariling bangko pero hindi kaya, ang daya naman yata non?

Patagal ng patagal, nararamdaman ko ang pagkawalay ko sa mga kabarkada at pamilya ko. Buong araw akong nasa eskwela tapos paguwi ko, gagawa ako ng mga paper works tapos matutulog na. Hindi ko na naabutan ang mga tao dito sa bahay. Naisip ko, kagustuhan ko naman ito, ako pumili ng ganitong pamumuhay iyon ay para lang maabot ang tagumpay na hindi ko naman alam kung kailan dadating. Naiinis ako dahil naaaapektuhan na ang aking pagiisip at personal na pakiramdam dahil sa nangyayari sakin. Lagi nalang ako aburido, mainit ang ulo at iritado. Parang kinukumpara ko lahat ng tao sa sarili ko.

Bakit siya ganyan? Ako ganito…Bakit siya tulog pa din ako papunta na ng eskwela? Bakit siya pumasa ng hindi nagaral, ako kinailangan ko pang magpuyat para makapasa? Bakit siya nakakalabas at nakakagimik pa pero ako lagi nalang busy? Bakit ganon siya, ako hindi? Bakit siya late sa interview pero pasado pa din, ako pumasok ng maaga dahil bawal daw ang late? Bakit siya pa easy easy lang ako kailangan ko pang magsikap? Bakit siya pinagbigyan ako hindi? Bakit pasado siya sa thesis kahit hindi siya nag defense pero ako halo mangiyak ngiyak na para makapag defense dahil baka bumagsak ako. Bakit siya na walang ginawa swerte pa din e bakit ako hindi? Bakit ganon?

Masama magkumpara pero hindi ko mapigilang ikumpara ang sarili ko sa iba. Insecure? Hindi naman! Napapansin ko lang na talaga ngang totoo na “life is unfair” bakit ang mga mahihirap pahirap ng pahirap tapos ang mga mayayaman at yumayaman pa din? Naiinis ako, bakit ganon?

Hindi ko lang talaga matanggap kung bakit may mga taong walang ka kwenta-kwenta pero natatanggap nila yun. May mga taong walang silbi pero ayos lang sa kanila. At may mga tao namang hindi masikmura ang ganong pamumuhay. Kinailangan magsikap para lang sa pangarap.

Hindi sa pagdadamot, pero sana ang pangarap ay para lang sa mga taong karapat dapat mangarap. Ang tagumpay ay para lang sa mga taong pinaghirapan ang tagumpay. Pero dahil nga “life is unfair” wala tayong magagawa.

Naisip ko tuloy, may pinanganak talagang swerte at mayroon din namang malas…

E ako kaya?






Wednesday, January 12, 2005

Bakit Ganito?

Ang tagal, nakakainip

Bakit hindi mo pa ako pagbigyan?

Masyadong matagal

Nakakabulabog, nakakapagod

Kailan ba ito matatapos?

Walang humpay na paghihintay

Pagmumukmok… nakakainip

Uulitin ko, nakakainip

Buong araw na pagkabulabog

Bakit hindi ka pa napapagod?

Hanggang kailan mo ako pahihirapan

Bakit ka ganyan?

Walang magawa, bakit nga ba?

Ilang oras na pamamahinga

Ibigay mo na

Kailan ba ito matatapos?

Masyado mo akong pinaghihintay

Ano bang nagawa ko, lagi nalang ganito

Pagbigyan mo na ako

Masyadong matagal

Gabi, masyadong mabagal

Bakit ganito?

Saturday, January 08, 2005

Masurpresang Buhay

“Life has full of surprises” narinig niyo na ba ito? Sana naman ay oo. Andaming dumadating o sabihin na nating sumusulpot o bumubulaga sa buhay natin. Minsan may magandang surprise at mayroon din namang hindi. Kaya nga surprise e, hindi naman sinabing puro swerte na lang hindi ba? E ang “expect the unexpected”, narinig niyo na rin ba? Parang ganon din ang ibig sabihin non!

Sa madaling salita, hindi mo talaga malalaman ang mangyayari sa iyo bukas, mamaya o sa pagdating ng panahon. Maaaring may mga haka-haka, kutob o hula para sa mga dadating na pangyayari. Kaya nga kailangang ituwid ang maling puwede pang ituwid. Paghandaan na ang dapat paghandaan. Gumawa ng paraan dahil kahit ano, kahit saan kung gusto may paraan. Ayos ba?

Malapit na ang bakasyon, pero bago yun… final exams muna! Hala! Eto na naman tayong mga estudyante na nagkakandarapa sa mga exams, defense para sa thesis at sa tinatawag na “deadliest” deadlines para sa projects. May ilang buwan pa para paghandaan at asikasuhin ang lahat ng ito pero kung gusto mo bumagsak, sige lang.. Katulad na lang ito ng sinabi ko kanina. Puwede namang mahulaan mo o magkaroon ka ng kutob na babagsak ka pag hindi mo talaga pinaghandaan ang lahat. Pero malay natin! Baka magsabog ng kabaitan ang Diyos at masalo mo ang iba dito, edi pasado ka na naman. Sana nga lang lagi na lang nagpapasabog ang Diyos ng kabaitan at ka swertehan tapos masalo mo ang iba dito. Pero imposible yun, at sisiguraduhin kong tama ako. Kailangang makadanas ng leksyon para tumino, yung naman ay posibleng mangyari at nangyayari naman talaga. Pero hindi mo alam kung kalian, tama ba?

Ang matagal mo nang pinaplano na pag alis mo papunta sa ibang lugar, sabihin na nating ayos na ang lahat at naghihintay ka na lang kung kailan, kung matuloy, salamat po e paano kung bigla nalang na hindi natuloy. Aray ku! Ang saklap.. pero wala kang magagawa. Teka, nasabi ko na bang hindi lahat ng bagay ay puwedeng palitan o baguhin?

May mga panahon na “huli na” ika nga. Yung bang, wala ka nang magawa kundi magsisi na lang. At sabihing, “babawi na lang ako sa susunod..” Pero hindi naman lagi puwedeng bumawi. E ano yung sinasabi nilang “habang may buhay may pag-asa”? Siguro yon ay para sa lahat ng aspeto. Pag-asa dahil huli man ang lahat, kahit papano nagbago pa din ang pananaw mo sa buhay. Namatayan ka man ng mahal sa buhay pero hindi mo nasabi sa kanya kung gaano mo siya kamahal dahil huli na nga ang lahat (ang kulit mo!).. Pero nagbago naman ang pananaw mo at pinipilit mo ng pahalagahan ang mga importanteng tao sa paligid mo.

Teka, mabalik tayo sa surpresa. Surpresa, andiyan na, handa ka na ba? Sabihin na nating kaarawan mo ngayon, maaaring may surpresa sayo ang mga tao pero hindi ka sigurado. Anong gagawin mo? Mag patay malisya na lamang dahil baka sabihin nila masyado ka namang “assuming” (ahahahaha).

Pero ibahin mo ang surpresa sa kaarawan mo sa surpresa ng masurpresang buhay (sabihin mo nga ng mabilis ng hindi ka nabubulol). Pagusapan na natin ang sinasabi nilang “ang nalalapit o ang dadating na paghuhukom”. Totoo nga ba ito? Pero wala naman sigurong mawawala kung paghahandaan mo. Kung mamatay ka man (hindi ko naman alam ang buhay doon sa kabila) siguradong walang problema kung napaghandaan mo. Kamatayan, malungkot, mabigat at may ibang taong ayaw pa pagusapan ang salitang ito. Anong masama, lahat naman tayo namamatay. Sigurado kang mamamatay ka pero hindi mo alam kung kailan tama ba? “live you life to the fullest” isa pang kasabihan para sa ating lahat. Isang kasabihan na isang uri din ng babala. Oo, babala dahil mamamatay ka rin lang pagdating ng panahon… gawin mo na ang mga bagay na kailangang gawin at abutin mo na ang iyong mga pangarap.

Mangarap para bukas, isama mo na ang pagdating ng mga surpresa sa mga pangarap mo. Pangarapin mo at paghandaan, wala namang mawawala.

If COVID-19 Didn't Happen

"We will remember 2020 as a year of disease and death, and lockdowns that separated friends and relatives, and businesses from customer...